World

Pagbabakuna sa 12-17 age group, maagang umarangkada sa Taguig, Navotas | Pilipino Star Ngayon

Pagbabakuna sa 12-17 age group, maagang umarangkada sa Taguig, Navotas | Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Maagang nag-umpisa ng pagbabakuna para sa mga kabataang walang comorbidity sa mga siyudad ng Taguig at Navotas kahapon, isang araw bago ang opisyal na pag-uumpisa nito ngayong Miyerkules.

Itinakda ng Department of Health (DOH) ang pag-uumpisa ng vaccination for children na kabilang sa 12-17 age group ngayong Nobyembre 3 ngunit binigyan din ng permiso ang mga lokal na pamahalaan na mag-umpisa na kung handa na sila.

Sa Taguig City, isinagawa ang unang sigwada ng bakunahan sa Lakeshore Hall sa may Brgy. Lower Bicutan kung saan target na maturukan ang nasa 500 kabataan. Nabatid na alas-12 ng tanghali kahapon ay umabot na sa 300 ang kanilang nababakunahan.

Bukod sa mga residente, bukas din ang bakunahan sa mga hindi taga-Taguig pero nag-aaral sa lungsod. Kailangan lamang mag-upload ng ID o dokumento na nagsasaad ng edad at address ng eskuwelahan.

Sa Navotas, sinimulan na ang pagbabakuna sa mga bata sa Navotas City Hospital. Pero um­pisa ngayong Miyerkules, sinabi ni Mayor Toby ­Tiangco na tatlong vaccination site na ang itatalaga para sa lahat ng mga menor-de-edad, kahit walang comorbidity.

Nasa 900 ang maaa­ring i-accommodate o 300 kada vaccination site. Maaari umanong pumili ang magpapabakuna ng vaccination site at sche­dule pero ipinagbabawal ang walk-in.

Puwede na rin umanong sumabay na magpabakuna ang mga magulang na hindi pa nababakunahan.