World

Pagbaba ng kaso ng COVID-19, bumagal | Pilipino Star Ngayon

Pagbaba ng kaso ng COVID-19, bumagal | Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Bumagal ang pagbaba ng mga bagong kaso ng COVID-19 na naitatala sa bansa kasunod ng pagiging aktibo at paglabas ng mga tao sa kanilang mga tahanan dahil sa pinababang Alert Level classification.

Sinabi ni DOH Epidemiology Bureau Director Dr. Alethea De Guzman na may average 4,183 arawang kaso ang bansa mula Oktubre 26-Nob­yembre 1.Mas mababa pa rin naman ito ng 14 porsyento kumpara sa mga naitalang averages ng sinundang linggo.

Ngunit mas mababa ang bahagdan ng pagbaba nito kumpara sa 26% sa naunang linggo ng Oktubre at sinundan ng 35% sa katapusan ng Oktubre.

Habang bumababa ang kaso, mas hinikayat ni De Guzman ang mga lokal na pamahalaan na palakasin ang pagtukoy nila ng mga aktibong kaso sa kanilang nasasakupan para mapatunayan na mababa na talaga ang mga kaso.

Sa kabila nito, pinaalalahanan muli ng opisyal ang publiko na patuloy na mag-ingat at sumunod sa health protocols dahil may pangamba na maaa­ring umakyat sa 52,000 ang aktibong mga kaso pagsapit ng Disyembre.