World

Granular lockdown sa NCR mahigpit na ipatutupad ng PNP | Pilipino Star Ngayon

Granular lockdown sa NCR mahigpit na ipatutupad ng PNP | Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Todo bantay at mahigpit na tutulong ang Philippine National Police (PNP) sakaling magpatupad ng mga  ‘granular lockdowns’ ang mga local  governmemt unit (LGU) sa buong Metro Manila matapos na isailalim na ito sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ),ayon kay  PNP Chief P/Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar.

Una rito, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority Chairman Benhur Abalos na ang mga lugar sa National Capital Region (NCR) na may mataas na kaso ng COVID-19 ay isasailalim sa granular lockdowns. Gayundin sa mga lugar na may namonitor na Delta at Lambda va­riants ng COVID.

Ang NCR ay isinailalim na sa MECQ  hanggang sa katapusan ng Agosto ng taong ito.

“We should not let our guard down as the threat of COVID-19, especially its more infectious variants, is still here. Tatalima tayo sa kautusan sa PNP na maigting na pagpapatupad ng granular lockdowns sa mga lugar na mataas ang kaso ng COVID-19,” pahayag ni Eleazar.

“I have tasked police chiefs to prepare their men for this,” giit pa ni Eleazar na sinabing ang lahat ng mga PNP personnels ay magpapatuloy sa pagpapatupad ng minimum public health safety standards at quarantine protocols.

Sa ilalim ng MECQ, ang dine-in services ay ipinagbabawal habang ang mga care services tulad ng mga beauty salons, beauty parlors, barber shops at nail SPAs ay hindi pinahihintulutan.

Samantala, nanawagan naman si Eleazar ng kooperasyon ng publiko at hinikayat ang mga ito na huwag maging pasaway sa panahon ng pandemya.