World

P1.3 trilyong pondo itutulak ang economic recovery ng bansa | Pilipino Star Ngayon

P1.3 trilyong pondo itutulak ang economic recovery ng bansa | Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Palalakasing muli ng P1.3 trilyong pondo ng “Accele­rated Recovery and Investment Stimulus for the Economy” (ARISE) ang ekonomiya ng bansa upang makabawi sa pagkalugmok dulot nang pananalasa ng COVID-19.

Sinabi ni House Ways and Means Chair Albay Rep. Joey Sarte Salceda, ang ARISE na dating Philippine Economic Stimulus Act o PESA, ay isa sa may mga pinakamalaking suporta mula sa mga mambabatas dahil umabot sa 267 ang co-authors nito makaraang ihain ito sa Kamara kamakailan.

Ayon kay Salceda, ang proposal ay naglalaman ng mahahalagang pamamaraan upang panandaliang makabangon ang ekonomiya at malunasan ang takot ng mga mamamayan sa pamamagitan ng mga konkretong pagkilos tungo sa matatag na kabuhayan.

Bukod sa malawakang COVID-19 testing, nilalaman din ng ARISE ang pagbibigay ng wage subsidy o tulong pasahod sa mga manggagawa, sa zero interest na patubo para sa ‘micro, small, and medium’ enterprises.

Aniya, ang P80 bilyon mula sa P586 bilyon para sa 2020, ay ilalaan para sa susunod na taon. Maliban dito, may P650 bilyon din na tokang babahagihin sa loob ng tatlong taon, mula 2021, upang palakasin ang progra­mang ‘Build, Build, Build’ sa imprastruktura ng bansa.

Sa P1.3 trilyon ng ARISE, ang P20 bilyon ay para sa malawakang ‘testing’ na tig-P10 bilyon sa 2020 at 2021, kasama na ang pamimili ng mga ‘test kits’, pagtatayo ng karagdagang testing centers, at pagpapalakas ng ‘contact tracing’ hanggang sa pinakamalalayong lugar ng bansa.