World

Drive thru na COVID testing center, binuksan sa Maynila | Pilipino Star Ngayon

Drive thru na COVID testing center, binuksan sa Maynila | Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Binuksan kahapon ni Manila City Mayor Isko Moreno ang “drive-thru COVID-19 testing center” para mapataas ang kapabilidad sa mass testing sa lungsod.

Inilunsad ang bagong pasilidad sa tapat ng Gat. Andres Bonifacio Monument at mag-ooperate mula alas-10 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon kada araw. Wala naman umanong babayaran ang mga motorista na nais magpa-test.

Ayon kay Moreno, kukuha ang MHD ng mga blood samples ng mga dadaan sa drive-thru at ipoproseso ito sa mga bagong biling COVID-19 serology testing machines. Layon ng test na malaman kung may anti-bodies ang isang tao na nabuo laban sa COVID-19.

Ang apat na makina mula sa American healthcare firm na Abbott ay may kakayanang makapagproseso ng 89,600 tests sa isang buwan.

Bukod sa mga residente ng Maynila, maaari ring magpa-test ang mga hindi residente ng lungsod, pagtitiyak ni Domagoso. Kailangan lamang na pumirma ng form at magprisinta ng identification card (ID) ng mga interesadong motorista.

Ang mga walang sasakyan o ‘di makadadaan sa drive-thru testing center ay ire-refer naman sa: Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center; Ospital ng Sampaloc; Ospital ng Maynila; at iba pang health center na malapit sa kanilang tinitirhan.