World

Celtics sunog sa Heat | Pilipino Star Ngayon

Celtics sunog sa Heat | Pilipino Star Ngayon

Kakasahan ang Lakers sa NBA Finals

LAKE BUENA VISTA, Florida — Ang Miami Heat ni Jimmy Butler ang lalaban kay LeBron James at sa Los Angeles Lakers sa NBA Finals.

Nagposte si big man Bam Adebayo ng season-high 32 points at ng 14 rebounds at may 22 markers si Butler para tulungan ang Heat sa 125-113 pagpapatalsik sa Boston Celtics sa Game Six ng kanilang Eastern Conference finals series kahapon dito sa NBA bubble.

“This group, more than anything, they just love to compete,” sabi ni Fil-American head coach Erik Spoelstra sa kanyang Heat, nakahugot kay roo­kie Tyler Herro ng 19 points.

Itiniklop ng Miami ang kanilang serye ng Boston sa 4-2 para labanan ang Los Angeles sa NBA Finals na magsisimula sa Huwebes.

“The main key, and it’s been like this for a very long time, if you want to win, you’re going to have to go through a LeBron James-led team,” dagdag ni Butler.

Nagdagdag ng tig-15 at 13 markers sina Duncan Robinson at Andre Iguodala at Goran Dragic, ayon sa pagkakasunod, para sa Miami.

Ang sunud-sunod na basket ni Herro ang nagpasimula ng 9-0 ratsada ng Heat para kunin ang 10-point lead sa fourth quarter bago ibinaon ang Celtics sa 116-102.

Pinamunuan ni Jaylen Brown ang Boston, natalo sa East finals sa ikatlong pagkakataon sa huling apat na seasons, sa kanyang 26 points at nagtala si Jayson Tatum ng 24 markers at career-high 11 assists.