Entertainment

'Quarantine Uno (41)'

'Quarantine Uno (41)'

In Four weeks and Four days ay Quarantine Uno na

Ang Eat Bulaga! Apat Na Dekada’t Isa!

Forty-One Years at babati lang na kaiba —

Happy Annivirusary! Ano pa nga ba?!

Kung Ang Poet Nyo masusunod ay may fiesta!

For the first time mangyayari aking ideya!

Ito ay parang sa Venezia sa Italia —

a Face Mask-Querade Ball! Un ballo in maschera!

Bukod sa face mask na gamit ngayong pandemya,

Dapat ay nakasuot ka pa ng maskara!

Yun bang para kayong Phantom of the Opera!

Dating talaga’y Carnevale di Venezia!

At wari kasing pangyayari ay nagtugma,

Doon Forty days before Easter ginagawa,

Dito iba pero after Forty Years pa nga!

Yan haba ng sinagupa ng Eat Bulaga!

Naturalmente ang costume dito ay bongga!

Dahil party babaha alcohol syempre pa!

Sosyalang walang humpay pero may distansya!

Pagdating sa tsibog eh bring your own ayuda!

Kaya’y kanya-kanyang bahay kumain muna

Nang walang nakatiwangwang na pagkain pa!

Mga drinks sa cooler self-service ang pagkuha

At sa hot beverages dapat may thermos ka!

Kung may mani sa mesa dapat may balat pa

Kaya nilaga o sungsong lang ang uubra!

Pastilyas at pulburon dessert nga lang pala!

Bawal ang hubad tulad ng mga bibingka!

Sa maghahanap ng lechon eh pasensya na,

Lalo na’t taon-taon meron tayong baka!

Baka next year na lang kaya konting tiis pa,

Importante tayo pa ri’y magkakasama!

Tila magiging venue malaking problema,

Kailangan yata ay Philippine Arena!

Basta tulad ng dati meron munang Misa,

Pagdating “Peace be with you” eh peace sign na muna!

Nakaugaliang raffle ay maiiba —

Ang mga papremyo mas maraming de lata!

Of course, hand sanitizer and toilet paper pa!

Alcohol and face mask na Chanel, Vuitton, Prada!

And why not? Lahat yatang top brands gumawa na!

‘Tsaka face mask mukhang magtatagal sa moda!

Pagtagal nyan magmumukha na kayong EDSA

Pagkat sa face mask naka-advertise na iba!

Kaya asahang sari-sari makikita —

Product endorsements ng ilang mga artista,

Banks, Insurance, Supermarkets, alak at cola!

Sa harap ng face mask lahat nakabalandra!

Ang kaba ko lang baka biglang may sumobra —

Maglagay ng advertisement ng panties and bra!

May cute lalo’t sa Zoom sa nobya ipakita —

Marriage proposal sa face mask nakaimprenta!

Maganda ring papremyo mga bitamina,

Basta mga pampalakas ng resistensya!

Syempre mga pangkuha ng temperatura!

At yung mga parlor games ay wala na muna!

Kung sakali Trip To Virusalem lang ubra!

Apat na metro ang layo ng bawat silya!

Ito Musical Chairs na musical talaga,

Bawat mawalan ng chair … sasayaw, kakanta!

Prize ng matira o Last Man Sitting kumbaga —

Dahil trip yung game eh di trip … to Wuhan, China?

Ngek! Basta ito lang nama’y isang ideya,

Kung wala, magtatatalon na lang mag-isa!

Kayo man dumanas ganitong pagpapala

Na mukhang may kahirapang maulit pa ba!

Mahalaga ay nawa’y ‘wag nang maulit pa

Na maranasan natin isa pang pandemya!