Entertainment

NBA tinutukan ni Ruffa, PBA hinihintay na ring mag-resume | Pilipino Star Ngayon

NBA tinutukan ni Ruffa, PBA hinihintay na ring mag-resume | Pilipino Star Ngayon

Nagulat ako na maagang gumi­sing kahapon si Ruffa Gutierrez. Akala ko ay getting ready na siya para sa family get-together nila sa White Plains house nila.

‘Yun pala, busy siya sa panonood ng NBA game ng Lakers. “I’m trying to watch the Lakers game on TV. It’s only on my mobile (cell phone). ‘Kaloka!” sey niya. “Are you a fan of Lakers o gusto mo lang na updated ka sa game nila ngayon para sa tsikahan n’yo ng family mo later?!” dialogue ko kay Ruffa.

“Hello! I’m a Lakers fan!” sey niya.

Ang tatay ni Ruffa na si Eddie Gutierrez ay Lakers fan, pati ang mga kapatid niyang sina Elvis at Richard Gutierrez.

Si Richard, nasa lock-in taping ng FPJ’s Ang Probinsyano sa Batangas, kaya tinext ko kung nagte-taping na ba sila o nanonood din siya ng Lakers game? Nag-reply naman si Richard, pero after lunch na. “Yes, nakapanood pa ako kanina, bago nag-start ang taping namin,” sey niya. Buti na lang daw at after na raw ng Lakers siya kinunan.

Samantala, dahil tuluy-tuloy na ang NBA games under the “new normal” dahil sa CO­VID-19 pandemic, marami namang basketball fans dito sa ating bansa ang umaasang magre-resume na rin ang PBA games, pati ang UAAP and NCAA games.

That’s may virtual reunion

Sa October 3 ang reunion ng former That’s Entertainment members. Via Zoom app lang ang reunion na ‘yon at hindi TV special.

Sabi ni Harlene Bautista, every year naman ay may reunion sila ng first Saturday of October dahil ipinagdiriwang na rin nila ang birthday ng tatay-tatayan nila, ang yumaong TV host/producer na si Mr. German Moreno. October 4 ang birthday ni Kuya Germs.

Puwedeng mapanood ng mga fan ang reunion na ‘yon dahil ipapalabas ‘yon nang live sa official Facebook page ng That’s Entertainment.

Ang That’s Entertainment ang nagungunang youth-oriented show noong 80’s.

Mula January 6, 1986 hanggang May 3, 1996 ay napanood ‘yon sa GMA 7.

Sa sobrang sikat ng nasabing youth-oriented show, maraming mga kabataan noon na ang gusto ay mapabilang sa nasabing prog­rama.

Ang ilan sa mga naging member ng That’s Entertainment ay sina Lea Salonga, Francis Magalona (SLN), Isko Moreno, Lotlot de Leon, Ramon Christopher, Tina Paner, Sheryl Cruz, Manilyn Reynes, Donita Rose, Ian Veneracion, Judy Ann Santos, Billy Crawford, Piolo Pascual, Sunshine Cruz, Vina Morales, Ruffa at iba pa.

Naku, Ateng Salve, naalala ko tuloy bigla noong ang dalas naming pumunta sa Broadway Centrum para makapag-interview ng teen stars of the 80’s and 90’s.

Well, those were the days na ang sarap-sarap alalahanin. ‘Yun na!